Mga kasambahay, ipinasasama sa A4 priority group sa bakunahan kontra Covid-19

Kinuwestyon ni House Public Accounts committee chairman Jose Singson kung vakit wala ang mga kasambahay sa priority list ng mga babakunahan kontra Covid-19.

Dahil dito, nanawagan si Singson sa Inter-Agency Task Force na isama sa A4 priority group ang nasa mahigit isang milyong kasambahay.

Katuwiran nito, kung nais protektahan ang mga pamilya sa pagkahawa sa virus, mas dapat na unahing bakunahan at isama ang mga kasambahay sa essential o frontline workers.

Ang mga kasambahay anya ang kadalasang lumalabas ng bahay para mamalengke at bumili ng iba pang pangangailangan.

Dagdag pa ng kongresista, hindi naman porke’t kasambahay ang tawag sa mga ito ay puro work from home na ang trabaho nila.

Tinukoy ng mambabatas na sa ilalim ng Domestic Workers Act, may mandato ang estado at ang mga amo na tiyakin ang proteksyon sa kalusugan at kaligtasan ng mga kasambahay.

 

Read more...