Naobserbahan ng Phivolcs ang seismic steaming sa bulkang Taal at ito ay umaabot na sa taas na dalawang kilometro.
Sa monitoring update na inilabas ng Phivolcs alas-8 ngayon umaga, Mayo 21, ang pagbubuga ng usok ng bulkan ay nagsimula alas-11 kagabi.
“May naganap na upwelling sa Main Crater at pagsingaw na nagsimula bandang alas-11 ng gabi kahapon na sa kasalukuyan ay lumilikha ng makapal na plume na may taas na dalawang (2) kilometro papuntang timog-kanluran,” ang pahayag ng Phivolcs.
Samantala, sa nakalipas na 24 oras ay nagkaroon ng 10 paglindol sa bulkan at mataas pa rin ang sulfur dioxide emission nito sa average na 3,051 tons per day.
Sa kabila ng mga datos na ito, nananatiling nasa Alert Level 2 ang nakataas kaugnay sa kondisyon ng bulkang Taal bagamat naobserbahan na tumaas ang pagliligalig nito.
Pinag-iingat pa rin ng ahensiya ang mamamayan na paghandaan ang maaring pagputok ng bulkan, volcanic earthquake, bahagyang pagbuga ng abo at volcanic gas.