Wala sa prayoridad ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagpuputol ng serbisyo sa mga kostumer ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, Vice President for Corporate Communications ng Meralco patuloy ang pagmamalasakit ng kanilang hanay sa mga kostumer.
Una rito, inanunsyo ng Meralco na ibabalik na ang disconnection activities kasabay ng pagpapasailalim ng Metro Manila, Laguna, Rizal at Cavite sa general community quarantine with heightened restrictions.
Magiging case-to-case basis aniya ang disconnection activites.
“Kami po ay makikinig at aming pag-aaralan ang kakayahang magbayad ng aming mga kostumer. Handa po kami makipagtulungan sa aming mga kostumer sa paghahanap ng paraan para maiwasan ang pagputol ng serbisyo,” pahayag ni Zaldarriaga.
Pinaalalahanan din ng pamahalaan ang mga konsyumer na may kakayahan na magbayad, na gawin ito upang makatulong masiguro ang patuloy na paghatid ng serbisyo ng kuryente.
Pinapayuhan ng Meralco ang mga kostumer na sumangguni sa social media accounts ng Meralco sa Facebook o Twitter, tumawag sa hotline 16211 o mag-email sa customercare@meralco.com.ph.
“Sa ganitong paraan, maaring matugunan na ang kanilang problema, nawa’y magkaroon ng kasunduan at karampatang solusyon bago pa sila magtungo sa aming mga tanggapan,” ani Zaldarriaga.