Pinagbilinan na ng DepEd ang kanilang mga kawani na magpa-rehistro na sa kani-kanilang lokal na pamahalaan para sa pagpapabakuna ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, ito naman ay paghahanda na kapag maari nang magpabakuna ang kanilang mga kawani base sa vaccine priority list ng gobyerno.
Ibinahagi nito na ang kanilang mga guro ay napabilang na sa ‘essential workers’ at mula sa B1 ay umangat na sila sa A4 category.
“Mag-apply po kayo, pumunta po kayo sa inyong mga LGUs, mayroon pong mga online application o iyong iba po ay may ibang pamamaraan, may umiikot or through your barangay or municipal city government ay makipag-ugnayan po kayo,” bilin ni Sevilla at aniya kinakailangan lang ang DepEd ID sa pagpapa-rehistro.
Paglilinaw lang ng opisyal, depende pa rin sa bilang ng bakuna na matatanggap ng LGU ang bilis sa pagpapabakuna sa kanilang mga kawani.
Sa ibinahagi na datos ng DepEd, ang kagawaran ay may 986,852 authorized positions at sa bilang 862,108 ang mga guro; 62,465 ang teacher’s aide, samantalang 62,279 naman ang non-teaching personnel.
At sa kabuuang bilang ng kanilang mga kawani, 51 porsiyento ang nasa edad 20 – 39; binubuo naman ng nasa edad 40 – 59 ang 45 porsiyento samantalang may apat na porsiyento ang ‘senior citizens’ na.