Sen. Imee Marcos tutol sa ‘brand agnostic’ sa COVID 19 vaccines

Mapait sa panlasa ni Senator Imee Marcos ang paglilihim sa babakunahan ng brand ng bakuna na ituturok sa kanya.

 

Katuwiran niya ang lahat ng ginagamit na bakuna ngayon ay nasa ilalim lang ng emergency use approval ng Food and Drug Administration (FDA).

 

Idiniin ni Marcos ang ‘informed consent’ o alam dapat ng babakunahan o bibigyan ng gamot kung ano ang ibibigay sa kanya at dapat din aniya ipaalam ang mga benepisyo at peligro na maaring idulot sa kanila.

 

“Mababangungot pa tayo sa paghuhula ng tamang bakuna para sa second dose o pangalawang turok! Ang bawat vaccine card nga ay may puwang para sa brand, manufacturer, batch number, pati ang lot number. Paano yan ipapatupad kung bubulagin mo ang tao – itatago ba ang mga vial, aalisin ang mga tatak, at itatapon ang mga kahon? Sobrang patawa!” diin ng senadora.

 

Samantala, ibinahagi ni Sen. Panfilo Lacson na sa US, kung saan matagumpay ang vaccination rollout, sinasabi sa babakunahan ang ibabakuna sa kanila kapag handa na silang magpabakuna.

 

Aniya ang mga tatatanggi dahil may gusto silang partikular na bakuna ay kinakailangan na umalis sa pila at hintayin na lamang ang pagiging available ng gusto niyang brand.

 

Katuwiran pa niya, sa ngayon ay wala pang makakapagsabi kung anong brand ang pinaka-epektibo laban sa COVID 19 dahil nagpapatuloy pa  ang ‘clinical trials.’

 

Read more...