Partylist solon nanawagan sa senior citizens na magpabakuna na

Iniaalok ni Senior Citizen partylist Representative Rodolfo Ordanes ang kanyang sarili bilang buhay na patotoo sa mga kapwa niya seniors na ligtas at epektibo ang magpabakuna ng COVID 19 vaccines.

Ayon kay Ordanes nagpaturok na siya ng COVID 19 vaccine noong Mayo 5 at aniya dalawang linggo na ang lumilipas ay wala siyang nararamdaman na anuman sa mga sinasabing adverse effects ng pagpapabakuna.

Pinuri niya ang mabilis na proseso sa pagpapabakuna mula sa kanyang sandaling pagpila hanggang sa ilang Segundo na pagturok ng proteksyon laban sa nakakamatay na sakit.

“Safe at effective po ang lahat ng aprubadong bakuna ng Food and Drug Administration laban sa COVID 19. Anuman po ang brand, ligtas po at epektibo,” ang mensahe ni Ordanes sa mga nakakatanda.

Kasabay nito ang kanyang pag-apila sa mga lokal na pamahalaan, kasama na ang barangay, na asikasuhin ang pagpapabakuna ng mga senior citizens, maging ng persons with disability (PWDs).

“Sana mag-house-to-house po kayo para kumbinsihin sila at i-register na ninyo right away para hindi na sila mahirapan,” pakiusap ng mambabatas.

Hiniling na rin niya buksan na rin ng mga simbahan ang kanilang bakuran para magamit na vaccination site, gayundin ang mga parke na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan.

Dagdag pakiusap din ni Ordanes na maghanda ng tubig at pagkain para sa mga pipila na magpapabakuna.

“Mahal po tayo ng ating pamahalaan at ang bakunang ito na kaloob sa atin nang libre ay para sa kaligtasan natin. Kaya’t huwag na po tayong magdalawang-loob magpabakuna,” sabi pa nito.

 

Read more...