Naglunsad ang Quezon City government, katuwang ang SM City Malls, ng una nilang drive-thru vaccination site para mapalawak pa ang vaccination program.
Binuksan ng lokal na pamahalaan ang drive-thru inoculation set-up sa SM Fairview sa District 5.
“This site will be convenient for those who register in groups like a family who just have to drive-thru this site while in the comfort of their cars,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Ayon sa alkalde, lahat ng residente na ia-accommodate sa naturang vaccination site ay dadaan din sa proseso; site registration, screening, vaccination, at post vaccination evaluation, kung saan sila nakaparada sa itinalagang pwesto.
Sa unang araw nito, nakapag-accommodate sa SM Fairview Drive-thru site ng 100 residente ng Barangay Greater Lagro na kabilang sa A1 hanggang A3 priority groups.
Karagdagang 110 indibidwal naman mula sa Barangay Pasong Putik na kabilang sa kaparehong priority groups ang nabigyan ng COVID-19 sa ikalawang araw nito, May 18.
Ipagpapatuloy naman ang pagbabakuna sa nasabing vaccination site sa araw ng Sabado, May 22.
Tanging ang mga residente lamang na pre-registered sa barangay-assisted booking scheme ang maseserbisyuhan.
Maaring makipag-ugnayan ang mga residente na malapit sa naturang vaccination site sa kani-kanilang barangay upang maasistihan sa booking schedule.
Hinikayat naman ni Belmonte ang mga taga-QC na magpa-book ng kanilang vaccination schedule sa pamamagitan ng EZConsult website o barangay-assisted booking.
“QCitizens, especially those who live busy lifestyles, please take advantage of this fast and convenient vaccine service, guaranteed to take away no more than 45 minutes of your time,” saad ni alkalde.