Patuloy na bumubuti ang internet speed sa bansa batay sa pinakahuling Ookla Speedtest Global Index report.
Sa April 2021 report ng Ookla, ang fixed broadband speed sa bansa noong Abril ay tumaas sa 49.31Mbps kumpara sa 46.25Mbps lamang noong Marso.
Ang mobile speed naman ay nakapagtala ng average download speed na 29.12Mbps kumpara sa 45.43Mbps noong Marso.
Simula noong November 2020 umangat na ng 23 puntos ang sa global rankings ang Pilipinas pagdating sa fixed broadband at 26 na puntos naman sa mobile internet.
Simula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, umabot na sa 523.38 percent ang itinaas ng fixed broadband speed.
Habang 291.40 percent na ang itinaas ng mobile internet speed.
Sa 176 na mga bansa na sinuri ng Ookla, ang fixed broadband speed ng Pilipinas ay nasa pang-80 pwesto, habang sa mobile naman, pang-84 na pwesto ang Pilipinas mula sa 134 na mga bansa sa mundo.
Sa 50 mga bansa naman sa Asya, nasa pang-21 pwesto ang Pilipinas sa fixed broadband at pang-26 sa mobile.
Pang-16 naman ang bansa sa fixed broadband at pang-13 sa mobile mula sa 46 na mga bansa sa Asia-Pacific.
Kung ang pagbabasehan naman ay ang 10 mga bansa sa ASEAN, nasa pang-5 ang Pilipinas sa fixed broadband at pang-6 sa mobile.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Duterte noong July 2020 na pabilisin ang proseso ng LGU permits para sa pagtatayo ng cellular towers.
Simula noon, malaki ang itinaas ng naaaprubahang permits mula July 2020 hanggang February 2021.
Noong March 8, 2021, pormal na ring inilunsad ang DITO Telecommunity sa mga lugar sa Visayas at Mindanao.
Kamakailan ay inilunsad na ng DITO ang commercial operations nito sa NCR at ngayon ay operational na sa 100 lungsod sa buong bansa.
Target ng DITO na magkaroon ng 2 milyong subscribers ngayong taon.