Marcos di dumalo sa VP debate ng ABS-CBN ngunit sentro pa rin my talakayan

 

Inquirer File Photo

Bagaman no-show sa debate ng isang TV station, naging ‘talking piece’ pa rin ng mga kapwa niya vice presidential candidates si Senador Bongbong Marcos.

Batay sa impormasyon, mas pinili raw ni Marcos ang makasama ang asawa, si Louise, sa isang dinner date para sa kanilang 23rd anniversary, kaysa sa dumalo sa ‘Harapan ng Bise’ ng ABS-CBN channel 2.

Pero kahit walang presensya ni Marcos sa debate, naging laman pa rin siya ng talakayan ng vice presidential candidates.

Sa pagharap ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo kay Senador Alan Peter Cayetano, tinanong ng LP Vice Presidential candidate ang katambal ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kung bakit inatake nito si Marcos noong nakalipas na debate gayung magkaalyado sila sa Nacionalista Party.

Sagot ni Cayetano, sayang daw wala si Marcos, na itinakbo ang mga pera ng taumbayan, at ngayon ay tumatakbo pa rin.

Ang tinutukoy ni Cayetano ay ang 10 billion dollars ill-gotten wealth ng mga Marcos, at umano’y pagkakadawit ng senador sa Pork Barrel anomaly.

Pero giit ni Senador Antonio Trillanes, na nasa debate rin, hindi niya maintidihan kung anong pinagmumulan ng mga patama ni Cayetano kay Marcos.

Aniya, marapat na alisin na ang usapin sa pagiging anak ng diktador ni Marcos, at sa halip ay tingnan ang rekord nito bilang isang senador.

Noong Pilipinas Vice Presidential debates 2016 noong nakalipas na Linggo, matatandaang pinagtulungan si Marcos ng mga katunggali nito.

Read more...