Dahil sa ‘rape joke’, naniniwala ang Malakanyang na hindi pa nag-mature at lalong hindi akma na maging susunod na Presidente ng bansa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sa statement ni Duterte, nakita na hindi pa talaga nagma-mature ang alkalde, at ang alok nitong maging pangulo ng bansa ay kailangan ng seryosong pagsusuri.
Binanatan din ang paraan kung paano ginawang katatawanan ni Duterte ang isang seryosong krimen gaya ng rape.
Aniya, ginawang joke ng alkalde ang panggagahasa at pagpatay sa isang Australian missionary, na bahagi ng isang team ng mga kababaihan at layon lamang na tulungan ang mga bilanggo sa Davao.
Ang tinutukoy ni Coloma ay ulat ng Chicago Tribune noong August 16, 1989, na Kung saan isang Jacqueline Hamill, na isang Australian lay missionary, ay ginahasa at ginilitan ng isang grupo ng mga preso sa Davao City Police Office.
Sinabi ng Palace official na ang naturang joke ni Duterte ay sumasalamin sa kanyang karakter at kawalan ng respeto sa mga kababaihan.
At sa kontrobersyal na biro, ani Coloma, mistulang kinumpirma ni Duterte na hindi siya nararapat na maging punong ehekutibo ng bansa.