Base sa ulat ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Manila at Pampanga, ilang Filipino female workers ang nagpakita ng work documents patungo sa Maldives, ngunit sa United Arab Emirates (UAE) talaga pupunta.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ito ay isang halimbawa ng tinatawag na “third-country recruitment.”
Sa nasabing modus, ipapadala ang overseas Filipino workers (OFWs) sa isang bansa, ngunit kalaunan ay ilegal na ibibiyahe sa iba pang bansa para magtrabaho.
Ang naturang halimbawa aniya ang madalas na ginagawa sa mga na-rescue sa biktima sa Syria at iba pa.
Iniulat ng TCEU Officerssa NAIA Terminal 3 ang pagharang sa dalawang OFWs na may edad 26 at 33 noong May 4.
Nagpakita ang dalawa ng valid overseas employment certificates (OECs), work visas para sa Maldives, employment contracts, at itineraries patungo sa naturang bansa.
Ngunit nang iberipika sa online systems, nadiskubre na ang dalawang OFW ay may tourist visa sa UAE.
Inamin ng mga biktima na natanggap nila ang mga dokumento bago ang kanilang pag-alis.
Isiniwalat din ng isa sa mga biktima na ipinag-utos ng recruiter na itago ang kaniyang UAE visa.
Sinabi ng mga biktima na nag-apply sila bilang domestic helpers, ngunit ang binigay sa kanilang trabaho ay bilang sales assistants sa Maldives.
Samantala, naharang din ng TCEU Officers sa Clark International Airport ang dalawa pang babaeng biktima na 34-anyos at 36-anyos noong Linggo.
Kapwa nagpakita ang dalawa ng dokumento para sa trabaho sa Maldives bilang attendant at receptionist.
Napag-alaman din ng ahensya na UAE visa ang mayroon sila.
Inamin ng isa sa mga biktima na pinangakuan siya ng trabaho bilang tagalinis sa UAE at nagbayad siya ng P37,000 sa recruiter para iproseso ang kaniyang travel documents.
P50,000 naman ang binayad ng isa pang biktima para makabalik sa trabaho bilang household service worker. Kasama ang biktima sa mga na-repatriate mula sa UAE noong 2020.
“This scheme victimizes our kababayan and tricks them into accepting offers below standard rates,” pahayag ni Morente at aniya pa, “When they get to the third country, many end up being abused but do not report for fear of being deported.”
Paalala ni Morente sa mga nais maging OFW, huwag basta-basta maniniwala sa mga modus.
“When we intercept such cases, we furnish the Philippine Overseas Employment Administration a copy of our report, and we are very thankful that they have been very active in suspending or cancelling the accreditation of the erring agency,” ani Morente.
“Stopping these illegal schemes really needs the cooperation of different government agencies that must work hand in hand to eliminate this societal ill,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, dinala ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa assistance at paghahain ng mga kaukulang kaso laban sa kanilang recruiters.