Binuweltahan ni Senator Leila de Lima si Presidential spokesman Harry Roque sa pahayag nito na ipinagdadasal ng oposisyon ang kapalpakan ng vaccination rollout ng gobyerno.
Sa pahayag ni Roque, sinabi nito na nais ng oposisyon na pumalpak ang vaccination drive para bumango sa eleksyon sa susunod na taon.
Katawa-tawa, ayon kay de Lima, ang sinabi ni Roque at aniya, dapat tigilan na ng Malakanyang ang paggamit sa oposisyon para pagtakpan ang mga kapalpakan ng administrasyon.
“Napakadesperado nang manisi ng iba para lang mapagtakpan ang patong-patong na kapalpakan nila. Imbes na tumutok at kumilos ang gobyernong ito para mapabilis ang usad-pagong na distribusyon ng bakuna sa taumbayan, mas inuuna pa nila ang pamumulitika,” diin ng senadora.
Dapat aniyang protektahan ng gobyerno ang mamamayang Filipino sa halip na maging abala sa paghahanap ng palusot.
Dagdag pa ni de Lima, dapat ay pabilisin din ng gobyerno ang pagbibigay tulong sa mga lubos nang naghihirap ng mahigit isang taon.