Nais ipasilip ni Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo sa Kamara ang kasalukuyang lagay at mga hakbang na ginawa ng PhilHealth para maresolba ang mga isyu na may kaugnayan sa korapsyon ng ahensya na pinalala pa ng pandemya sa COVID-19.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Quimbo na dapat imbestigahan ang mga aksyong inilatag ng PhilHealth sa anomalya sa National Health Insurance Program partikular sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at sa case rate system.
Natapos na aniya ang unang quarter ng 2021 ay wala pa ring naisusumite ang PhilHealth na report sa Kongreso patungkol sa repormang ginawa ng ahensya matapos makaladkad ito sa mga corruption issues.
Naging anomalya sa IRM ang paglalabas ng pondo ng PhilHealth sa mga rehiyon na may isa o wala talagang kaso ng COVID-19 habang ang mga itinuturing na COVID-19 hotspot areas ay hindi man lang nabigyan ng malaking pondo.
Gusto rin ni Quimbo na hingan din ng update ang PhilHealth sa isyu nito sa case rate system kung saan nabusisi sa naunang congressional inquiry ang underpayment at overpayment lalo na sa mga COVID-19 cases.
Maliban dito ay pinapaimbestigahan din sa komite ang naging solusyon sa pamamahala at paggamit sa pondo ng PhilHealth at ang malaking utang ng ahensya sa mga pribadong ospital.