Itinutulak ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na humugot sa pondo ng Build, Build, Build program para sa pagsasa-ayos ng Philippine General Hospital.
Ayon kay Brosas, maaaring gamitin ang bahagi ng P1.1 trillion na pondo ng Build, Build, Build program para sa PGH, na isa sa pinaka-malaking COVID-19 referral hospitals sa bansa.
Maari din anya na maisama ang realignment ng pondo para sa PGH at iba pang mga ospital sa ilang probisyon ng Bayanihan 3 bill na isinusulong sa Kamara.
Sinabi ng mambabatas na higit na kailangan ngayon ng PGH ng budget para sa building at equipment repairs matapos ang sunog, dahil walang alokasyon para rito sa ilalim ng 2021 national budget.
Hindi anya pwedeng pabayaan na maging paralisado ang PGH, gayung patuloy na nakatuon sa konstruksyon ng aniya’y mga “non-essential” na mga proyektong-imprastraktura gaya ng mga “redundant” na mga kalsada o paulit-ulit na road repairs.
Ngayong taon ay aabot sa P427 billion ang gastusin ng gobyerno para lamang sa road networks, na higit-doble sa budget ng Department of Health at Philhealth.