Gusto ni Senator Francis Pangilinan na mapaigting ang bisa ng mga pondo na nailaan sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 hanggang sa katapusan ng taon.
Kasunod ito ng mababang halaga ng nailabas na pondo para sa public transport workers na labis din naapektuhan ng pandemya.
“May perang nilaan ang Kongreso para sa ating mga jeepney drivers tapos nakikita natin silang namamalimos sa kalye. Mali yan. Gamitin na ang pondong nilaan para sa kanila,” sabi ng senador.
Si Pangilinan ang nagtulak na magkaroon ng budget para sa Service Contracting Program sa Bayanihan 2 para sa PUV drivers na nawalan ng kabuhayan dahil sa lockdown.
Sa ulat ng Department of Transportation, nabunyag na P40 milyon lamang sa P5.58 bilyon o wala pang isang porsiyento ang nagamit para sa naturang programa.
Nakasaad sa programa na ang mga driver ng modern jeepneys ay babayaran ng P800 kada araw, samantalang P1,200 naman sa mga bus driver.
Paliwanag nito, sa pagpapalawig ng pondo ay mabibigyan ng sapat na panahon ang DOTr at LTFRB na ayusin ang kanilang Sistema para mapabilis ang pagbibigay ng ayuda.