Sang-ayon si dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman sa pahayag ni Senator Leila de Lima na makakabuti kung pag-aaralan ang ibat-ibang mukha ng kahirapan para mas lubos na maintindihan ang mga pangangailangan ng mamamayan ngayon may pandemya.
Sinabi ni Soliman dahil sa pandemya, umusbong ang bagong sektor sa lipunan na tinawag niyang ‘new poor.’
Paliwanag niya ang ‘new poor’ ang mga umangat na sa poverty line noong 2016, maging ang mga paangat pa lang ngunit muling bumaba dahil sa pandemya.
“Yun na yung sinasabi ni Senator Leila, na importanteng matingnan ang iba’t ibang aspeto ng kahirapan ngayon, gawa nga nitong pandemya. Ang malaking pag-atras ay nasa sitwasyon ngayon ng pandemya. Yun ang pinakaramdam na ramdam ng lahat ng tao,” dagdag pa nito.
Diin pa niya napakahalaga ng conditional cash grants sa sitwasyon ngayon para makatulong sa pang araw-araw na hamon na kinahaharap ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Taliwas din aniya sa sinasabing ilan na nagiging tamad ang mga mahihirap dahil sa ayuda, iginiit ni Soliman na ang natatanggap na tulong ay ang isa pa sa dahilan kayat nagsusumikap ang marami para makabangon.
“Isa yan sa priority bill ni Senator De Lima dahil alam niya na maraming gusto na maging batas na ‘yan para nga hindi na magkaroon ng iba-iba pang interpretasyon dahil kung hindi batas, puwedeng gawan ng iba’t ibang sistema yan at hindi mabibigyan ng alokasyon,” dagdag pa ni Soliman.