Inaasahan na magpapatuloy ang mataas na heat index sa Metro Manila ngayon araw bagamat, ayon sa Pagasa posible naman ang pag-ulan sa hapon o gabi.
Ipinapalagay na aabot sa 39 degrees Celsius hanggang 41 degrees Celsius ang heat index na mararamdaman ngayon sa Metro Manila.
Ang mataas na temperatura na nararamdaman ng katawan o alisangan ay bunga ng easterlies o ang mainit na hangin na nagmumula sa Pacific Ocean.
“Dahil sa easterlies, patuloy na mararanasan sa buong Luzon ang mainit at maalinsangang panahon. Subalit pagdating ng hapon at gabi, posible ang pagkakaroon ng pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat at pagkulog,” sabi ni Pagasa weather specialist Meno Mendoza.
Noong nakaraang Miyerkules, Abril 12, naitala ang pinakamataas na heat index na 52 degrees Celsius sa Dagupan City.