Ito ang binigyan-diin ni Vice President Jejomar Binay kasabay ng paglalatag ng kanyang agenda para sa mga babae at bata sa kanyang pagpirma ng covenant kasama ang grupo ng kababaihan sa Zamboanga City.
Kasabay din nito, binatikos ni VP Binay ang ginagawang pag-trato ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga babae na parang katulong.
Bukod aniya sa ipinagyayabang ni Duterte na pagpatay sa masasamang tao, wala itong respeto sa mga babae.
“Mayroong isang kandidato diyan, ang tingin sa kababaihan, puros katulong lamang. Ang tingin ng kandidatong pagkapresidenteng ito – machong macho kasi pero saksakan ng yabang – bukod sa pinagyayabang ‘yong pagpatay sa kapwa tao, itong kandidatong ito, walang respeto sa babae,” ani Binay.
Ayon kay VP Binay, dapat iniingatan ang mga babae kasabay ng pagbigay diin din na ang buhay ay sagrado.
Sinabi rin ni Binay na pag-isipang mabuti ng lahat ng botante kung dapat bang iboto ang isang kandidato na walang respeto sa kababaihan.
“Pakaingatan ho ninyo – pag-isipan ninyo – kung iboboto ninyo ang isang kandidato na walang respeto sa kababaihan,” ayon kay Binay.
Isa na pangunahing programa ni VP Binay ang pagpapalawak sa serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan kabilang na ang libreng prenatal checkups, pagpapaanak at ang pagtatayo ng assistance centers para sa mga kabataan na maagang nabuntis.
Kung papalarin na manalo, isusulong ng administrasyon ni Binay ang pagpapalawak sa batas na may kaugnayan sa anti-violence against women.