Deklarasyon ng national state of calamity dahil sa ASF, makatutulong sa LGU – Palasyo

Malaking tulong sa lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng national state of calamity dahil sa African Swine Fever.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, magagamit kasi ng lokal na pamahalaan ang calamity fund para matugunan ang kakulangan ng suplay ng baboy sa merkado.

“Makakatulong po iyan kasi iyong mga lokal na pamahalaan pupuwede nang gastusin iyong kanilang mga calamity fund para po address-in iyong problem ng kawalan ng baboy at sa problema ng ASF. So, iyon po talaga ang epekto ng deklarasyon, kasi po kapag walang ganiyang deklarasyon, mabusisi po ang paggastos ng public fund at matatatagalan po ang paggastos niyan,” pahayag ni Roque.

Nagpaliwanag din ang Palasyo kung bakit ginawang nationwide ang state of calamity ay para matustusan ang kakulangan ng suplay ng karneng baboy sa Luzon region.

“Well, kinakailangan po entire nation approach iyan kasi habang tayo ay nagri-repopulate ay kinakailangan, iyong mga pupuwede na nating paratingin sa Maynila na mga ASF-free na mga inahin ay ma-facilitate din no. So, ganiyan po kasi hindi pa tayo pupuwedeng umasa sa pag-angkat ng mga inahin para magkaroon tayo ng repopulation. So, kinakailangan po lahat ay magtulungan hindi lang po iyong mga nasalanta dito sa Luzon,” pahayag ni Roque.

Iiral ang state of calamity hanggang sa katapusan ng taong 2021 maliban na lamang kung babawiin ni Pangulong Duterte.

Read more...