Hiniling ng mga nasa industriya ng pelikula na magdeklara ng tax holiday sa kanilang sektor dahil umaabot na sa P16 bilyon ang nalulugi sa kanila dahil sa kasalukuyang pandemya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs, na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, sinabi ni Josabeth Alonzo, corporate secretary ng Philippine Motion Picture Producers Association of the Philippines na nagsimula ang kanilang pagkalugi nang magpatupad ng quarantine protocols noong Marso 2020.
Nabanggit niya na umaabot sa 300,000 ang nagta-trabaho sa industriya ng pelikula at nag-ambag sila ng P13 bilyon sa ekonomiya ng bansa noong 2019.
Naibahagi din sa pagdinig na P25 milyon lang ang kinita ng nakaraang Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon kumpara sa P1 bilyon noong 2019.
Gusto rin ng film producers na huwag muna silang singilin ng amusement taxes at shooting fees na binabayaran nila sa mga lokal na pamahalaan.
Nakadagdag aniya sa kanilang gastusin ang pagpapatupad ng health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).