Ngayon nagdeklara na si Pangulong Duterte ng state of calamity sa lokal na industriya ng baboy, makakaasa na ng konkretong tulong ang mga apektadong local hog raisers.
Ito ang pagtitiyak ni Sen. Francis Pangilinan, ang naghain ng resolusyon sa Senado na humihimok kay Pangulong Duterte na magdeklara ng state of calamity bunga ng pinsalang idinulot ng African swine fever (ASF).
“Matagal natin isinusulong ang hiling ng industriya at mabuti naman na sa wakas ay may deklarasyon na. Malaking tulong ang dagdag na pondo na magiging tulong pinansyal o indemnification sa mga magbababoy na halos naubos na ang alaga at dagdag na pondo rin sa pagpapalawig ng biosafety protocols nang masugpo ang pagkalat ng ASF,” sabi ng senador.
Paliwanag niya, dahil sa deklarasyon kinakailangan na kumilos na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para mapigilan at masugpo ang pagkalat pa ng ASF.
Umaasa ang senador na magiging sapat ang isang taon sa pag-iral ng state of calamity na maparami muli ang baboy sa bansa.
Nabanggit niya na sinabi na ng Department of Agriculture na nangangailangan ng karagdagang P6 bilyon para sa ASF response dahil sa ngayon P2.6 bilyon lang ang nailaan na pondo.
Umaabot na sa tatlong milyong baboy ang namatay dahil sa ASF at P100 bilyon na ang nalugi sa industriya.