Inanunsiyo ng GSIS na ang application deadline para sa inaalok na computer loan program ay pinalawig na hanggang sa Disyembre 31 ngayon taon.
Sinabi ni GSIS President and General Manager Rolando Macasaet layon ng programa na matulungan ang mga kawani ng gobyerno na makabili ng computer unit para sa kanilang work from home.
Aniya ang pagbili ng computer unit ay maari din para sa online classes ng anak ng government employee.
Sa ilalim ng programa, ang isang miyembro ay maaring maka-utang ng hanggang P30,000 na babayaran ng tatlong taon at ito ay may interes na anim na porsiyento kada taon.
Ayon kay Macasaet, P983.33 ang babayaran ng uutang na miyembro kada buwan.
Ang mga kuwalipikado sa computer loan ay ang mga aktibong miyembro na nakapagbayad ng hanggang tatlong buwan na kontribusyon, regular sa posisyon, hindi naka-leave without pay, at walang kasong administratibo at kriminal.
Gayundin ang mga walang pagkaka-utang sa GSIS Financial Assistance Loan at wala pang ibang utang sa GSIS maliban sa housing loan.