Sinimulan na ng United States military service members sa Mindanao at Luzon ang pagpapadala ng P5.7 milyong halaga ($118,700) ng personal protective equipment at medical supplies para suportahan ang COVID-19 response sa iba’t ibang probinsya sa bansa.
Kabilang dito ang disposable gloves, goggles, face shields, disinfectant spray, at iba pang kagamitan na makatutulong sa frontline workers.
“As longstanding allies, we are proud to support the Philippine first responders and medical professionals who are on the frontlines battling COVID-19 with this PPE donation,” pahayag ni U.S. Army Staff Sgt. Christopher Duede, Civil Military Support Element – Philippines.
Ang naturang donasyon ay bahagi aniya ng kanilang nagpapatuloy na pangako para suportahan ang paglaban ng Pilipinas sa nakakahawang sakit.
“It is an honor to be able to work with such great partners and provide assistance in any way that we can,” dagdag nito.
Ipapadala ang PPE sa mga ospital, medical clinic, rural health unit, at municipal health office sa Cagayan, National Capital Region, Palawan, Zambales, Sarangani, at Zamboanga City.
Katuwang sa pagpapadala nito ang Office of Civil Defense, Philippine Coast Guard, Philippine National Police – Special Action Force, at local USAID ReachHealth partners.
Nagparating naman ng pasasalamat si PCG Commandant, Admiral George Ursabia, para sa natanggap na donasyon.
“It’s the genuine concern shown through consistent efforts that matters to us Filipinos,” saad ni Ursabia at aniya pa, “Your generosity to equip our front liners since the start of pandemic transcends service to humanity and we are far beyond grateful.”
Sa ngayon, umabot na sa P1.3 bilyon o $27 million ang naiparating na suporta ng U.S. sa COVID-19 response ng Pilipinas.