Nakunan ng CCTV camera ang pagbaba ng isang lalaki sa riles ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) habang ang isa ay nag-selfie pa.
Batay sa Facebook post ng pamunuan ng MRT-3, nahuli sa akto ng mga guwardiya sina Jerald Oliva, 22-anyos na construction worker, at Rey Llasos, 28-anyos na tricycle driver, sa bahagi ng Quezon Avenue station (Northbound) bandang 7:15, Linggo ng gabi (May 9).
Bumaba si Oliva sa riles habang kumuha naman ng selfie si Llasos.
Paalala ng DOTr MRT-3, mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagbaba sa riles dahil mapanganib ito at maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga pasahero.
Bunsod nito, nagsampa ng kasong paglabag sa RPC Art 155 o Alarms and Scandals ang pamunuan ng MRT-3 sa dalawang lalaki.
Dinala ang dalawa sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station (PS-10) para sa inquest procedure.
Samantala, pinuntahan ni MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje ang dalawang lalaki para paalalahanan sa mga patakaran ng linya ng tren.
Dapat aniya itong magsilbing leksiyon sa iba pang pasahero na huwag gawing biro ang mga patakarang ipinatutupad ng MRT-3.
Hinikayat din nito ang publiko na iulat ang mga katulad na insidente sa mga transport marshal o security guards upang agad na maaksyunan ang pangyayari.