Pilipinas umaangkat na ng galunggong sa China

Ibinunyag ni dating Chief Justice Antonio Carpio na umaangkat na ngayon ang Pilipinas ng galunggong sa China.

Kung tutuusin ayon kay Carpio, galing din naman sa bansa ang mga imported na galunggong dahil kinuha lamang ito ng mga Chinese na mangingisda sa West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas.

Base sa monitoring ng Deparment of Agriculture, nasa P240 na ang kada kilo ng galunggong.

Mas mataas ito sa P200 na presyo ng galunggong noong nakaraang linggo.

“Tayo, wala na tayong makukuhang galunggong. Nag-iimport na tayo ng galunggong sa Tsina. Yung galunggong na iyon galing sa West Philippine Sea iyon, kinukuha ng Chinese fishermen sa Philippine Sea at tsaka binebenta sa atin. Binebenta yung ating sariling isda,” pahayag ni Carpio.

Ayon kay Carpio, sa ilalim ng Konstitusyon, tanging ang Pilipinas lamang ang may karapatan na mangisda sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon silang usapan ni Chinese President Xi Jinping na maaaring mangisda ang Chinese fishermen sa West Philippine Sea.

Dahil dito, sinabi ni Carpio na ang China na ngayon ang may pinakamalaking fishing fleet sa buong mundo.

Umaabot kasi aniya sa 200,000 fishing vessels mayroon ang China.

Katunayan, sinabi ni Carpio na nagrereklamo na ang mga Filipinong mangingisda dahil wala na silang mahuling isda.

Matatandaang nagpalitan ng maanghang na salita sina Pangulong Duterte at Carpio.

Binabatikos ni Carpio si Pangulong Duterte dahil sa pagiging malamya sa China at hindi pagggiit sa pagkakapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration.

Dahil dito, hinamon na ni Pangulong Duterte si Carpio ng isang debate.

Kumasa si Carpio sa hamon ni Pangulong Duterte.

Pero sa huli, umatras ang Pangulo at itinalaga na lamang si Presidential Spokesman Harry Roque bilang kanyang kinatawan.

Samantala, mariing kinondena ng grupong AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga kinokondena ng grupo ang presensya ng 220 Chinese fishing vessels sa Julian Felipe Reef kamakailan pati na ang presensya ng ilegal na mga istruktura sa Union Bank sa Kalayaan Group of Island.

Ayon sa grupo, malinaw na paglabag ito sa soberenya ng Pilipinas.

Nangangamba ang Agham na dahil sa ginagawang pang-aabuso ng China, maaring magdulot ito ng masamang epekto sa kalikasan pati na sa produksyon ng isda.

Bukod kasi sa mga isda, kinukuha rin ng Chinese na mangingisda ang mga giant clams o taklobo.

 

Read more...