Nakatakdang magpulong bukas, Mayo 12 ang Metro Manila Council (MMC) para pag-usapan ang susunod na quarantine status para sa National Capital Region.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, na tumatayong chairman ng MMC, sa pulong ay malalaman ang bawat posisyon ng alkalde ng 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila.
Nagpahiwatig na si Olivarez na sa kanilang lungsod ay maaring magluwag ang quarantine protocols dahil sa gumagandang sitwasyon ng COVID-19.
Sa ngayon umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ito ay hanggang sa darating na Biyernes, Mayo 14.
Bago ito, nagpulong muli ang mga alkalde at nagkaisa sa kanilang rekomendasyon sa Inter Agency Task Force (IATF) na panatilin ang MECQ sa Metro Manila sa katuwiran na mapawalang-saysay ang mga positibong naidulot ng pagpapa-iral ng ECQ at MECQ.