Iginiit ni BI Commissioner Jaime Morente na responsibilidad ng mga airline company na ang mga dayuhang pasahero na maaaring makapasok ng bansa lang ang makakapag-board sa biyahe na patungong Pilipinas.
“We reiterate that only foreigners with valid and existing visas are allowed to enter the country. The entry of foreign tourists is still temporarily restricted,” pahayag nito.
Babala nito, ibubukod ang mga dayuhan na bawal pang magtungo sa bansa pagkadating sa paliparan, at magbo-book ng unang available flight pabalik sa pinagmulang bansa.
Pagmumultahin naman at mapapatawan ng parusa ang airline company dahil sa pagpayag na makapag-board ang dayuhan.
“Our Port Operations Division (POD) immediately circulates to the airlines updates on current travel restrictions,” ani Morente.
Dagdag pa nito, “We are thankful that they have been very supportive, and understands that the IATF-MEID deems these actions necessary to curb the further spread of Covid-19 and its variants in our country.”
Sinabi ni POD Chief Atty. Carlos Capulong na bawal pa rin ang pagpasok sa bansa ng mga pasahero mula India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, at Sri Lanka hanggang May 14.
Ani Capulong, papayagan lamang makapasok ng Pilipinas ang mga dayuhan na may valid at existing immigrant, non-immigrant, at special visas na inilabas ng BI at iba pang ahensya ng gobyerno para makapasok sa bansa.