Hindi pa man tuluyang nakakalma ang mga residente, muli namang niyanig ng napakalakas na lindol ang Japan, madaling araw ng Sabado, halos isang araw lang ang nakalipas mula nang yanigin ng magnitude 6.5 ang parehong lugar noong Biyernes.
Ayon sa US Geological Survey, isang malakas na magnitude 7.1 ang tumama sa Kyushu island sa southwest Japan, na naganap 1:25 ng madaling araw sa Japan.
Namataan ang sentro ng lindol isang kilometro sa west-southwest ng bayan ng Mashiki, Kumamoto prefecture na may lalim na 10 kilometro.
Naglabas ng tsunami warning ang Japan Meteorological Agency (JMA) dahil sa mga alon na umabot sa 1 metro ang taas malapit sa episentro sa Kumamoto, pero ni-lift rin ito makalipas ang isang oras.
Halos isang araw bago ang pangyayaring ito isa namang magnitude 6.2 ang tumama sa parehong rehiyon na ikinasawi ng hindi bababa sa 9 katao at ikinasugat ng mahigit 800 iba pa.
Hindi pa naman natitiyak kung nadagdagan ang mga bilang ng nasawi dahil sa panibagong lindol, ngunit ayon sa mga residenteng tumatawag at humihingi ng tulong sa Japanese broadcaster na NHK, maraming tao ang na-trap sa loob ng kani-kanilang mga bahay at gusali.
Iba-iba ang mga lumalabas na ulat tungkol sa mga bilang ng nasawi at nasugatan, pero ayon kay Japanese chief spokesman Yoshihide Suga, 860 na ang sugatan, kabilang ang 53 na malubha ang lagay.
Ayon pa sa JMA, ang Mashiki ay malapit sa dalawang faults sa Kyushu, at malapit rin ito sa isang malaki at aktibong bulkan na Mt. Aso. Anila pa, hindi karaniwan ang ganito kalakas na lindol sa Kyushu.