Nais ni Speaker Lord Allan Velasco na maamyendahan ang ang polisiya na nagsu-suspinde ng biyahe ng barko sa mga lugar na nasa ilalim ng Public Storm Warning Signal (PSWS) No. 1.
Naapektuhan daw kasi ang shipping at maritime industry gayundin ang public safety dahil sa siksikan sa mga pantalan at stranded na mga pasahero.
Sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard, PAGASA at MARINA, hinimok ni Velasco ang mga ahensya na i-adjust ang suspensiyon sa mas maiksing lead time para sa storm signals at galaw ng mga barko tuwing masama ang panahon.
Katuwiran nito, masyadong mahaba ang 36-hour lead time para iutos ang suspensiyon ng biyahe.
Nai-stranded kasi anya ang mga tao at kargamento sa mga pantalan kahit kalmado pa naman at may sapat pang oras para ligtas na makabiyahe.
Sa ilalim ng Coast Guard Guidelines, ang anumang sasakyang pandagat ay bawal nang maglayag kapag itinaas na ang Signal #1 sa panggagalingang lugar at sa destinasyon ng mga ito.