Hinimok ni House Majority Leader Martin Romualdez ang Department of Health at iba pang mga eksperto sa Pilipinas na sumabybayan at aktibong lumahok sa talakayan ngayon sa buong mundo tungkol sa lumalakas na panawagan para i-waive ang patent protection para sa Covid-19 vaccine.
Sabi ni Romualdez, dapat maging maagap ang Pilipinas ay lumahok sa negosasyon ng vaccine manufacturers kung paano makakapag-avail nito sakaling matuloy ang suspensiyon ng intellectual property protections.
Suportado ng kongresista ang hakbang ng gobyerno ng Estados Unidos na itulak ang pagtanggal ng patent para sa bakuna ngayong merong pandemya.
Paliwanag nito, ang anumang aksyon na magpapabilis sa paggawa, produksyon at distribusyon ng COVID-19 vaccines saan mang panig ng mundo ay titiyak sa kaligtasan ng mga tao.
Inanunsyo ng Amerika na kinakatigan nito ang global waiver sa patent protections para sa Covid-19 vaccines, at sinabing kakausapin tungkol sa terms ang World Trade Organization.
Una nang nanawagan ang India at South Africa na pansamantalang alisin ang intellectual property protections sa COVID-19 vaccines, na pinaniniwalaang makatutulong para mapalakas ang produksyon sa developing countries na kakaunti pa lang ang natatanggap na bakuna.