‘COVID-19 pandemic czars’ humihirit ng P90 bilyong pondo

(Senate PRIB)

Nakaharap kagabi, Mayo 6 nina Senate Presidente Vicente Sotto III at Senato Panfilo Lacson ang itinuturing na tatlong ‘pandemic czars’ ng gobyerno, sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vince Dizon at contact tracing czar Benjamin Magalong.

Ayon kay Lacson, kabilang sa mga ibinahagi sa kanila ng tatlo ay ang pangangailangan ng P90 bilyon para ipambili ng mga kinakailangang bakuna sa susunod na taon.

Aniya ito ay isasama sa regular budget ng Department of Health (DOH), ngunit partikular itong ilalaan na pambili ng mga bakuna para hindi magamit sa iba at agad na mailalabas kung kakailanganin.

May hirit din na maglaan ng P20 bilyon sa Bayanihan 3, ngunit ayon kay Lacson, pinayuhan niya ang tatlo na subukan munang humugot sa mga hindi nagagamit na pondo ng ilang ahensiya dahil pinapayagan naman ito sa Saligang Batas at Bayanihan laws.

Ibinahagi din ng senador na may pangako ang business sector na magtalaga ng 5,000 espasyo sa mga shopping malls at hotels bilang vaccination centers at 1,200 sa mga ito ay nasa Metro Manila.

Sinabi ni Lacson kapag nangyari ito at may sapat na suplay ng bakuna, posible na mabakunahan ang may 58 milyong Filipino ngayon taon.

Read more...