Pagsugpo sa red tape sa Maynila, pinaigting pa
By: Chona Yu
- 4 years ago
(Manila PIO)
Lalo pang iinaigting ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagkilos laban sa red tape – partikular na sa Business Permit and Licensing System ng lungsod.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, dapat tiyakin ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng serbisyo sa mas episyenteng pamamaraan lalo na sa panahon ng pandemya.
Kaya naman sa tulong ng University of the Philippines Public Administration Research and Extension Services Foundation (UPPAF), tinukoy ng lokal na pamahalaan kung papaano pa mapapaunlad ang Go! Manila app at ang Business One Stop Shop ng LGU Manila.
Ang dalawang serbisyong ito na inilunsad sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Isko ay may layong bawasan ang mga hakbang ng pag-apply para sa mga business permit at pag-renew ng mga business license.
Handa naman ang LGU Manila na sundin ang mga rekomendasyon ng UPPAF patungkol sa Business Permit and Licensing System gaya ng pag-mamaximize sa paggamit ng teknolohiya at pagpapasimple sa mga prosesong kinakailangan isagawa upang mapabilis ang transaksyon sa lokal na pamahalaan.