(Senate PRIB)
Ipinaliwanag ni Senator Panfilo Lacson na ang P16.4 bilyon sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ngayon taon ay direktang mapapasakamay ng mga lokal na pamahalaan.
Sabi pa niya ang pondo ay gagamitin para sa development projects na ikakasa ng local government units (LGUs) sa mga barangay na naideklara ng ‘insurgency free.’
Ginawa ni Lacson ang pagtitiyak kaugnay sa panawagan ng ilang kapwa senador na alisan ng pondo ang NTF-ELCAC o kaya ay busisiin ng husto ang paggamit ng pondo ng ahensiya.
“Being the sponsor of the NTF-ELCAC’s 2021 budget, it is my obligation and responsibility to defend the Department of Budget and Management’s release of funds which will be implemented not by the NTF-ELCAC but by the local government units concerned,” sabi pa ni Lacson.
Bilang namumuno sa Senate Committee on National Defense, si Lacson ang nag-sponsor ng 2021 budget ng Department of National Defense (DND) ang mga ahensiya na nasa ilalim ng pangangasiwa nito.
Paliwanag pa niya ang mga programa at proyekto na nangangailangan ng hindi lalagpas sa P1 milyon ay pangangasiwaan ng barangay, ang higit P1 milyon hanggang P10 milyon ay ang pamahalaang lungsod o bayan naman ang mamamahala at ang higit pa sa P10 milyon ay ang pamahalaang-panglalawigan na ang bahala.
Kabilang sa mga maaring isagawang proyekto ay ang pagpapatayo ng mga kalsada, eskuwelahan at day care centers, gayundin ng water systems.