Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, best choice’ ang pagpili at pagtatalaga ni Pangulong Duterte kay Eleazar bilang bagong mamumuno sa pambansang pulisya.
Aniya Eleazar ay isang “man of action” dahil sa bilis nito sa pagresolba sa mga kaso.
Patunay din aniya sa pagiging mahusay ng opisyal ang kakayahan, dedikasyon at hindi matatawarang paglilingkod gayundin ang pagsusumikap nitong maitaas ang imahe at maibalik ang tiwala ng publiko sa hanay ng PNP.
Para naman kay ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo, mayroong matatag at matibay na reputasyong pinanghahawakan si Eleazar dahil sa pagpapatupad nito ng batas na walang kinikilingan o diskriminasyon.
Dagdag naman ni Deputy Speaker Michael Romero, bukod sa maayos sa trabaho ay malinis ang track record at hindi kailanman nasangkot sa kontrobersyal ang bagong PNP Chief kaya naman karapat-dapat ang paghanga na ibinibigay ng PNP at ng publiko kay Eleazar.
Umaasa ang mga kongresista na sa pagkakataong ito ay malilinis sa ilalim ni Eleazar ang PNP at mas mapapaigting pa ang paglaban sa krimen, iligal na droga at terorismo.