Red Alert sa buong bansa dahil sa manipis na suplay ng kuryente

brownout-0319(update) Itinaas ang Red Alert sa buong bansa dahil sa manipis na suplay ng kuryente sa Luzon, Visayas at sa Mindanao.

Sa Luzon, nakataas ang red alert hanggang alas 3:00 ng hapon, sa Visayas ay mamayang alas 7:00 hanggang alas 9:00 ng gabi at sa Mindanao ay nagsimula na ang red alert kanina pang alas 2:00 ng madaling araw.

Nagbadya pang magpatupad ng rotating brownout ang Meralco sa mga lugar na sineserbisyuhan nito sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dahil sa kapos na suplay ng kuryente.

Pero alas 3:01 ng hapon, inalis na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red alert sa Luzon, at ibinaba na sa yellow alert.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na dahil sa manipis na reserba ng kuryente, inabisuhan nila ang participants ng kanilang Interruptible Load Program (ILP) na maging handa sakaling kailanganin nilang gumamit ng kanilang generator sets para makabawas sila sa over-all demand ng kuryente.

Ayon sa Meralco, isinailalim sa emergency shutdown ang Kalayaan units 3 at 4, sumasailalim sa maintenance ang Pagbilao 1, nagkaroon din ng shutdown sa Malaya 1, Magat units 3 at 4, at Botocon 2 habang ang Calaca 1 at 2 ay nasa limited capacity lamang.

Kung tuluyan namang ninipis ang suplay ay maaring magpatupad ng rotating brownout ang Meralco at posibleng maapektuhan ang Cavite, Laguna, Quezon Province, Novaliches, Caloocan, Balintawak, Fairview, Rizal at Quezon City.

Samantala, dahil sa kapos na suplay ng kuryente sa Luzon, inabisuhan na ng National Electrification Administration o NEA ang Zambales Electric Cooperative II o ZAMECO 2 na magpatupad ng brownout sa sineserbisyuhang lugar.

Dahil dito alas 2:00 ng hapon hanggang alas 3:00 ng hapon ay maaapektuhan na ng brownout ang ilang bahagi ng Zambales.

Kabilang sa mga mawawalan ng kuryente ang mga bayan ng Castillejos, San Marcelino, Subic, Cabangan, San Antonio, San Felipe at San Narciso.

 

Read more...