Pinuri ng Palasyo ng Malakanyang ang Philippine Coast Guard matapos pagbantaan ang Chinese militia vessel sa Sabina Shoal sa Palawan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, patunay ito na ang Pilipinas ang nagpapalayas sa Chinese na nasa teritoryo ng West Philippine Sea.
“Iyan po ang administrasyon ni Presidente Duterte. Sa administrasyon ni Albert del Rosario ng siya ang nasa DFA, tayo ang pinapalayas. Pero kay Presidente Duterte, tayo ang nagpapalayas. At paninindigan po ng Presidente na walang teritoryong mawawala sa administrasyon nya. At iyan po ang kanyang pinatutupad ngayon,” pahayag ni Roque sa Radyo Inquirer.
Kumpiyansa naman si Roque na walang epekto sa bilateral relations ng Pilipinas at China ang ginawa ng PCG.
Malinaw naman kasi aniya na ang nangyaring paninita ng PCG sa Chinese militia vessels ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at napakalapit sa Palawan.
Wala aniyang kaduda-duda na ng Pilipinas lamang ang may karapatan sa lugar.
Ayon kay Roque, pinaninindigan ng Pangulong Duterte na walang teritoryo ang mawawala sa Piliipnas sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Dapat aniyang ituloy ng PCG ang pagbabantay sa mga teritoryo ng Pilipinas.
“Lahat po ng teritoryo dapat pangalagaan. At tama po na ang Coast Guard ang magbantay niyan dahil kabahagi po iyan ng ating tanging yaman,” pahayag ni Roque.