Pangulong Duterte hindi nang-estafa sa West Philippine Sea issue

Photo grab from RTVM Facebook

Walang ginagawang grand estafa si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga pangako noong 2016 presidential elections na magtatanim ng watawat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Tugon ito ng Palasyo ng Malakanyang sa banat ni dating Chief Justice Antonio Carpio na grand estafa at pangloloko umano ang ginawa ng Pangulo nang mangakong babawiin ang West Philippine Sea sa China noong panahon ng pangangampanya.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw naman ang pangako ng Pangulo. Hindi kasi aniya sinabi ni Pangulong Duterte na maibabalik niya ang mga nawalang teritoryo noong nakalipas na administrasyon.

“Hindi po iyon panggogoyo. Dahil malinaw po ang salitang ginamit ni Presidente, hindi po niya sinabi na iyong nawalang teritoryo ng nakalipas na administrasyon maibabalik niya. Ang pinangako niya, wala nang mawawalang teritoryo sa Pilipinas na siya namang nangyayari ngayon,” pahayag ni Roque.

Nakalulungkot ayon kay Roque na name calling na ang ginagawa ni Carpio.

Hindi aniya bababa ang Palasyo sa mababang lebel na ginagawa ni Carpio.

“Nalulungkot ako na bagamat na hindi sumasagot si retired Justice Carpio doon sa ating sinasabi na kabahagi siya doon sa namigay ng karagatan, e he has resorted to name-calling. As a former justice, alam naman niya ang elemento ng estafa at alam niya hindi ito estafa,” pahayag ni Roque.

“He’s now talking as a politician at nakakalungkot na sa isang usapin ng ating teritoryo, e imbis na adddressin ang issue e he has resorted to name-calling. Kung estapador po ang Presidente, anong tawag sa kanya? We will not stoop down to his level,” pahayag ni Roque.

Read more...