Pangulong Duterte pinuna ni Sen. Pacquiao sa isyu sa pananakop ng China sa WPS

Nakukulangan si Senator Manny Pacquiao sa pagtugon ni Pangulong Duterte sa patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas.

“Sa akin, nakukulangan ako, nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, nage-eleksyon pa lang. Dapat ipatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto [galing sa China],” sabi ng senador.

Inalala pa ni Pacquiao ang pangako ni Pangulong Duterte noong kampaniya para sa 2016 presidential elections, na kapag nanalo ito ay mag-jet ski ito papunta sa Spratly Islands at itatanim ng bandera ng Pilipinas.

“Nakakapanghina dahil iba kasi yan doon sa simula,” ang tila panghihimutok ng senador.

 

Dagdag pa niya; “narinig natin bago mag-election, sa pangangampanya, nung sinabi niya na mag-jet ski siya, dala yung watawat ng Pilipinas doon, e siyempre, kahit ako sa puso ko, ito na yung iboboto ko dahil ito yung dapat na presidente, kailangan natin, na pinaglalaban yung bansa natin.”

 

 Nilinaw naman ni Pacquiao na kaibigan ng Pilipinas ang China at aminado ang senador na may utang na loob ang bansa sa China dahil sa pagbibigay at pagbebenta ng COVID 19 vaccines.

 

Una nang ibinahagi nito na ang pagsulat niya sa embahada ng China noong nakaraang buwan dahil sa presensiya ng higit 200 Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.

Read more...