Paghuhugutan ng pondo ng Bayanihan 3 natukoy na ng House panel

Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang revenue provision ng Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 Bill.

Sa inaprubahang probisyon ay inaatasan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbigay ng dagdag na provisional advances sa national government para mapondohan ang COVID-19 reponse programs ng pamahalaan.

Hindi naman hihigit sa 10% ng average income ng pamahalaan mula 2018 hanggang 2020 ang provisional advances ng BSP.

Itinataas din ang dividend remittances ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) hanggang 75% mula sa kasalukuyang 50%.

Sa pagtaya ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, aabot sa P294.8 bilyon mula sa BSP at P78 bilyon naman mula sa GOCCs ang pondong malilikom para sa Bayanihan 3.

Sinabi ni Salceda na nakakuha ng suporta mula sa ehekutibo ang Bayanihan 3 matapos niyang ipakita at ipaliwanag na mayroong pondo na paghuhugutan para dito.

Ang Bayanihan 3 na may pondong P405.6 bilyon ay magsisilbing lifeline na siyang tutugon sa mga mahihirap, mga manggagawa at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, nakapaloob sa Bayanihan 3 ang P216 bilyon na ayuda sa mga Pilipino na ibibigay naman ng 2 rounds o dalawang beses na tig P1,000 sa lahat ng mga Pilipino anuman ang estado nito.

Kasama rin sa Bayanihan 3 ang P30 bilyon para sa wage subisidies, P25 bilyon sa Assistance to Displaced / Disadvantaged Workers ng DOLE, P30 bilyon sa Agri-fishery sector at P9 bilyon para sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).

Dadaan pa sa Committee on Appropriations ang panukala at ibabalik sa mother committee para aprubahan ang committee report bago ito iakyat sa plenaryo.

Inaasahang sa May 17 o sa pagbubukas ng sesyon ay masisimulan na ng Kamara ang debate sa plenaryo ng Bayanihan 3.

Read more...