Sen. de Lima: Huwag nang umasa na ipaglalaban ni Pangulong Duterte ang teritoryo ng Pilipinas

contributed photo

Hindi na dapat umasa pa na ipaglalaban ni Pangulong Duterte ang teritoryo ng Pilipinas laban sa China.

Ito ang sinabi ni Sen. Leila de Lima ngunit aniya, hindi pa rin dapat balewalain ang pagtalikod ng Punong Ehekutibo sa Pilipinas dahil insult ito sa lahing Filipino na tunay na nagmamalasakit sa bansa.

“Hindi pa ba sapat na binenta mo na kami sa Tsina nang matagal na, kailangan mo pang ulit ulitin ang iyong pagtatraydor sa ating bayan? Ilang beses mo ba uulit ulitin na mahal na mahal mo ang Tsina at wala kang gagawin sa pananakop nila sa ating teritoryo? Ilang beses mo ba ipagyayabang sa amin ang iyong pagka-duwag at pagka-inutil sa pagtanggol sa ating bayan laban sa mananakop na mga Tsino?” tanong ng senadora.

Binanggit din nito ang paulit-ulit din na sinasabi ni Pangulong Duterte na nawala na ang West Philippine Sea sa nakalipas na administrasyon at ayon sa senadora, ang totoo ay naipanalo ng Pilipinas ang laban kontra China sa UNCLOS Arbitral Tribunal sa pamumuno ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

“Meron pa bang mas tututa sa pagkatuta ni Duterte sa Tsina? I don’t think there is. This is the lowest of the low that one can become a puppet of a foreign power. And yet we tolerate it as if it is everyday that a Filipino President commits treason and sells out to a foreign power,” diin pa ni de Lima.

Pinuna din nito ang pagtawag pa kay Pangulong Duterte na Lapu-Lapu ni Presidential spokesman Harry Roque.

Read more...