Puspusang paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng Maynila, patuloy sa gitna ng pandemya
By: Chona Yu
- 4 years ago
(Manila PIO)
Walang patid ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa paglilinis at pangangalaga sa kalikasan ng lungsod kahit na may pandemya sa COVID-19.
Para kasi kay Manila City Mayor Isko Moreno, mas mapangangalagaan ang kalusugan ng mga Manilenyo kung malinis ang lungsod sa lahat ng pagkakataon.
Kaya naman bukod sa pagpapaunlad ng mga medical facilities at pagkakaroon ng episyenteng COVID-19 vaccination program, sinisiguro rin ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng sanitation and disinfection operations mula Lunes hanggang Linggo.
Mayroong mga tauhan mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at Department of Public Services – Manila na regular na nagwawalis sa mga kalsada, nag-aalis ng basura sa estero, nagsasagawa ng flushing and misting operations at kumukuha ng basura sa Manila Bay.
Patuloy naman ang panghihikayat ni Mayor Isko sa mga Manilenyo na kusang maglinis at makiisa sa kampanya ng lokal na pamahalaan.