Nanagawan si House Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep. Deogracias Victor Savellano sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagpaslang sa natalong kandidatong mayor at graft and corruption crusader sa lalawigan.
Sabi ni Savellano, kailangang mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay kay Froilander ‘Lander’ Agdeppa.
“I abhor this barbaric act. Rest assured that we will get into the bottom of this senseless killing, and bring into justice the persons who perpetrated this savage act. We will not be deterred, and we will continue your fight against corruption Mr. Agdeppa,” saad ni Savellano.
Pinagbabaril ang biktima ng mga hindi nakilalang suspek sa bahagi ng Barangay Suba, Paoay, Ilocos Norte noong nakalipas na linggo habang ito ay nagjo-jogging.
Nabatid na tumakbong mayor ng Sinait, Ilocos Sur ang nasawi noong 2019 elections laban sa anak ni ex-Mayor Glenn Guzman na si Shee-An Guzman subalit natalo.
Nagsampa rin si Agdeppa ng mga kasong kriminal at graft and corruption cases sa Ombudsman laban kina Ex-Mayor Guzman, Mayor Shee-An Guzman at Sangguniang Bayan Member Blayne Guzman.
Dahil dito, nais malaman ng mambabatas kung may kaugnayan sa pulitika ang pagpaslang dito.
Maari din umanong i-ugnay ang pamamasalang sa away ng nasawi sa biyenan ni Cabugao Mayor Edgardo Cobangbang kaugnay sa pag-aaring property ni Sangguniang Bayan Member Amytony Abarquez ng nasabing bayan.