15 sa 77 magsasaka na nakulong sa Kidapawan, nakalaya na

Kilab Multimedia
Photo from Kilab Multimedia

Matapos makapagpiyansa, nai-proseso na kagabi ang paglaya ng 15 sa 77 magsasaka na nakulong matapos ang kilos protesta sa Kidapawan City.

Ang mga nakalayang magsasaka ay ini-release sa kostodiya nina Father Peter Geremia at Pastor Ernie Ramos na kapwa umaktong “bondsman”.

Una nang inihayag ng human rights group na Karapatan na nakalikom ng P526,000 pesos na halaga ang singer na si Aiza seguerra at asawa niyang si Liza Diño para magamit pang-piyansa ng mga magsasaka.

Nauna nang inihayag ng Karapatan na naging mahirap ang proseso ng pagpiyansa sa ibang magsasaka dahil karamihan ay walang I.D.

Pero ayon kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, ngayong araw ay ipagpapatuloy ang proseso sa paglaya ng nalalabi pang mga magsasaka.

Sinabi ni Acosta ang tatlo na naunang nakalaya ay nagpiyansa ng tig-P12,000 bawat isa, habang ang labing dalawa pa na nakalaya ay nagpiyansa naman ng P6,000 kada isa.

Ani Acosta, target ng PAO na ngayong maghapon ay mapalaya ang lahat ng mga magsasaka na nakulong.

Hindi na rin aniya nire-require ngayon ng korte ang pagpapakita ng I.D ng mga magsasaka dahil may mga pari at pastor nang nagce-certify na paninirahan sa lugar ng mga magsasaka.

Read more...