Tiniyak ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina na mas paiigtingin na nila ang kanilang seguridad pati na ang pagbabantay sa mga empleyado nila sa buong bansa.
Isasakatuparan nila aniya ito sa pamamagitan ng paglalaan ng P20 milyon para sa pag-iinstall ng mga karagdagang closed-circuit television (CCTV) cameras sa mga pantalan at opisina ng Customs sa buong bansa.
Ayon kay Lina, uunahin nila ang mga mas malalapit at malalaking pantalan kung saan maraming imports na dumarating.
Bukod sa main office ng BOC, ilalagak rin ang mga monitors sa Port Area sa Maynila, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Cebu, Port of Batangas, Port of Davao at Port of Cagayan de Oro.
Gayundin sa mga private container yard o station na pinagiimbakan ng BOC ng mga inangkat na produkto.
Walang pag-aalinlangang itutuloy ito ni Lina sa kabila ng pag-tutol dito ng pinuno ng BOC Employees Association (BOCEA) na si Rommel Francisco.
Una na kasi itong tinutulan ni Francisco sa isang pahayag, kung saan sinabi niya na kung tataasan lang ang kanilang sweldo, hindi na sila gagawa ng kalokohan pa.
Kumalat pa sa internet ang pahayag niyang ito na labis namang ikinagalit ng mga mamamayan.
Matatandaang naging malaking isyu noong nakaraang taon ang tungkol sa balikbayan boxes na dumarating sa mga pagbibigyan nito nang sira-sira na o kaya ay kulang-kulang na ang laman.