Joint patrol, isinasagawa na ng US at Pilipinas sa West Phil. Sea

Bullit Marquez/AP

Sinimulan na ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagsasagawa ng joint patrol operations sa South China Sea.

Ito ang ibinunyag ni US Defense Secretary Ash Carter kasabay ng pag-amin na may mananatiling 300 sundalong Amerikano sa bansa hanggang sa katapusan ng buwang ito kahit matapos na ang Balikatan exercises.

Bukod sa mga sundalo, mamamalagi rin sa bansa ang ilang air assets ng Amerika.

Magkakaroon na rin aniya ng regular na rotation ng mga tropang Amerikano na idedestino sa Pilipinas upang palakasin ang training sa mga sundalong Pilipino.

Ayon sa Pentagon, nasa 200 mga Air Force personnel kabilang na ang mga tropa ng Special Forces ang mananatili sa Clark Air Base sa Pampanga.

Hindi na rin aalis sa bansa ang mga Pave Hawk attack helicopter at iba pang mga combat aircraft ng US bilang bahagi ng napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng EDCA.

Noong nakaraang buwan lamang, kinumpirma ng Pentagon na magbibigay sila ng aabot sa 40 milyong dolyar na halaga ng military assistance sa Pilipinas.

Matatandaang patuloy ang tensyon sa pagitan ng China, Pilipinas at iba pang mga bansa sa Asya dahil sa agresibong pangangamkam ng teritoryo ng China sa South China Sea.

Read more...