Binili na karagdagang 500,000 Sinovac vaccines dumating na

CEBU PACIFIC PHOTO

Kumpleto na ang biniling 1.5 million doses ng CoronaVac para ngayon buwan ng Abril sa pagdating ng karagdagang kalahating milyong doses ngayon umaga.

Sakay ng isang Cebu Pacific flight 5J671 lumapag ang mga bakuna na gawa ng Sinovac sa NAIA Terminal 2 alas-7:05 ng umaga.

Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., ang mga bagong dating na bakuna ay dadalhin muna sa isang pasilidad sa Marikina City bago ipamamahagi sa ibat-ibang dako ng bansa.

Umaabot na sa 3.5 million doses ng CoronaVac ang dumating sa bansa kasama ang donasyon ng gobyerno ng China na 1 million doses.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na malaki ang utang ng loob ng Pilipinas sa China dahil sa mga donasyong bakuna sa kabila ng pananakop ng daan-daang Chinese vessels sa bahagi ng West Philippine Sea.

Read more...