Magagamit na ang Eva Macapagal Terminal sa Manila South Harbor bilang isolation facility.
Ayon sa Department of Transportation, nagsagawa ng retrofitting ang Philippine Coast Guard at Philippine Ports Authority sa nasabing pasilidad dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila.
Noong nakalipas na taon pa nagagamit ang Eva Macapagal Terminal bilang quarantine facility para sa mga repatriated OFWs na kailangang sumailalim sa 14-day quarantine.
Sabi ng DOTr Maritime Sector, dahil sa isinagawang retrofitting maari nang tanggapin dito ang mga asymptomatic patients at mga mayroong mild symptoms ng COVID-19.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, ang mga asymptomatic at mayroong mild symptoms ay ilalagay sa isolated quadrant na mayroong 55-bed capacity.
“Makakaasa po kayo na kung kakailanganing magdagdag ng pasilidad po para ma-expand ‘yung 55-bed capacity na ‘to, handa po ang Philippine Ports Authority at ang Philippine Coast Guard, sa ilalim po ng DOTr, na tayo po ay makipag-kapit-bisig sa DOH at iba pa pong ahensya para matugunan po ang pangangailangang ito,” saad ni Santiago.
Sa ngayon, ang Super Terminal Quarantine Facility ay mayroong 211-bed capacity na hinati sa apat na sections kabilang ang quarters ng mga health staffers.