Nakapaglagak na ng piyansa si dating APEC o Association of Philippine Electric Cooperatives Rep. Edgar Valdez para sa kasong pandarambong laban sa kaniya kaugnay ng pork barrel scam.
Una na siyang pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division na makapagpyansa para sa mga kasong plunder laban sa kaniya, tulad ng naging desisyon rin kay pork barrel queen Janet Lim-Napoles.
Parehong P1.5 million ang itinakdang pyansa sa kanila ng Sandiganbayan, pero si Valdez ay nagbayad pa ng karagdagang P210,000 para sa pitong kaso ng graft na kaniya ring kinakaharap.
Bukod kina Valdez at Napoles, pinayagan rin makapag-pyansa si dating Masbate Gov. Rizalina Lanete na pareho ring plunder ang kinakaharap na kaso, sa parehong dahilan.
Naglagak na rin ng pyansa si Lanete noong Miyerkules sa halagang P500,000, pero sa kaso naman ni Napoles, hindi pa rin siya makakalabas ng kulungan kahit pa mag-pyansa siya dahil naman sa iba pang kaso laban sa kaniya tulad ng illegal detention.
Pinayagan ng Sandiganbayan ang tatlo na makapagpyansa dahil mahina ang mga ebidensyang nagpapatunay na sila ay may kasalanan kaugnay sa maling pag-gamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilalang pork barrel.