Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) na bumuo at magpatupad ng guidelines para sa ‘automatic travel bans’ sa mga bansa na mataas ang COVID-19 infections.
Ayon kay Hontiveros, hindi na dapat maghintay pa ang DOH at IATF ng apila sa publiko bago sila magpatupad ng travel ban.
“Laging napakabagal kundi last minute ang desisyon. Kaya lahat na ng COVID variants sa mundo ay kumakalat na dito sa Pilipinas. Huwag naman tayong maging welcoming committee ng bagong variants,” aniya.
Kinuwestiyon ng senadora ang kabiguan ng IATF at DOH na magtakda ng protocols sa pagpapatupad ng travel ban gayung mahigit isang taon na ang pandemya.
Pinuna din nito ang naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi dapat ikabahala ang bagong double-mutant variant sa India sa kabila nang anunsiyo ng health experts sa naturang bansa na maari itong magdulot ng severe infection sa mga bata.
Binanggit din ni Hontiveros ang tila paghabol ng Pilipinas sa Indonesia sa pinakamaraming kaso ng COVID 19 sa Southeast Asia ngunit nahuhuli pa rin aniya tayo sa bilang ng mga nababakunahang mamamayan.