Ibinasura ng Makati Prosecutors Office ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa 11 isinasangkot sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Base sa 11-pahinang resolusyon na ipinalabas ni Makati Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan, walang naiprisintang matibay na argumento ang kampo ni Dacera para magkaroon ng paglilitis sa kasong rape with homicide.
Ang mga nalibre na sa kaso ay sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan alias Clark Rapinan, Alain Chen alias Valentin Rosales at Val, Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan at Eduardo Pangilinan III.
“The issues raised in this office’s resolution dated Jan. 6, particularly the crime committed and the culpability of each respondent, even at this point, have not been established,” sabi ni Santillan.
Nabanggit din sa resolusyon ang pahayag ng PNP na ‘ruptured aortic aneurysm’ ang ikinamatay ni Dacera.
Naniniwala ang pamilya ng 23-anyos na flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) na pinatira ng droga at ginahasa ito, bagay na itinatanggi ng mga kinasuhan.
Pinaniniwalaang wala ng buhay si Dacera nang matagpuan sa inupahang kuwarto sa City Garden Grand Hotel sa Makati City tanghali ng nakaraang Enero 1.